Thursday, February 2, 2017
Mga kabataang hindi pinalaki ng maayos (argumentatibo)
ni Hyline Langgam
Pinalaki tayo sa kasinungalingan. Bata pa lang tayo, sinanay na tayo sa mga nilalang na hindi naman natin nakikita. Kapre, tikbalang, manananggal, tiyanak, multo at mangkukulam. Mga lamang-lupa daw ang tawag dito. Nagtataka ako kung bakit hindi isinama ang kamote, sibuyas at luya. Mga lamang-lupa din naman iyon.
Kapag nagkakasakit tayo, ipinipilit ng Nanay na masarap ang lasa ng gamot para sa sakit mo. Kahit kalasa iyon ng tinta ng pentel pen o panis na mantika. Para mapainom ka, kailangang pasinungalingang pagkasarap-sarap ng gamot kahit pati sila kapag umiinom nito ay nagkakandangiwi na rin sa simangot. At may batok ka galing kay Tatay kapag nailuwa mo at naisuka. Sayang ang ipinambili ng gamot.
Ipapanood sa iyo sa TV ang mas lalong pinakamalalaking kasinungalingan. Sesame Street na hindi mga totoong tao ang gumaganap. Palakang nagsasalita, mag-partner na puppet na parehong lalaki (sino kaya ang bading?), halimaw na mahilig sa biscuit, bampirang hanggang 10 lang ang kayang bilangin (minsan up to 12), ibon na kasing laki ng elephant at elepanteng balbon (saan ka nakakita ng elepanteng pagkahahaba ng balahibo sa katawan?) at isang nilalang na mahilig mag-ipon ng basura at nakatira sa basurahan. May tagalog version ito dito sa Pilipinas, ang Batibot. Ang problema, ang pinakabida sa program na ito, isang tuso at isang tanga.
Ililipat naman sa ibang channel na ang tampok ay mga magkakaibigang superheroes. Marami sila sa istorya at lahat ay may angking super powers. Ipinakikita lamang dito ang kanilang kahinaan, na hindi pala kaya ng isang superhero lang ang problema ng mundo. Kailangan din ang tulong ng iba para masagip ang daigdig. Kawawang Superman, walang sinabi. Hindi kayang tumayo sa sariling mga paa.
Tapos ka nang manood ng kasinungalingan este palabas pala sa TV. Gusto mong maglaro sa labas kasama ng ibang mga bata sa kapitbahay. Pero narinig mo ang sinabi ni Nanay. May bumbay na nangunguha ng bata sa kalsada. Tarantadong bumbay ito. Akalain mong pati mga batang nananahimik ay gustong kidnapin. Pero ang totoo niyan, hindi ka pwedeng lumabas dahil bagong paligo ka. At magkakalkal ka na naman ng dumi sa kalye kapag nakipaglaro ka. Tinatamad na si Mommy na maglinis sa iyo.
Ayaw mong matulog sa tanghali? Lagot ka, andiyan ang “lizard”. Pikit ka na, bababa na yung “lizard”.
Kaya, kasama sa paglaki ng bata na kahit ang pinakamaliit na problemang kasing liit ng butiki ay hindi kayang masolusyunan dahil “lagot ka, kayang-kaya ka ng lizard”.
Sa hapunan, hindi pwedeng hindi mo uubusin ang pagkain. Mabubulag ka. Kahit magkandasuka ka sa pagsubo, ubusin mo. Hindi dahil sayang ang inihanda sa mesa. Kung hindi bahala ka, mabubulag ka.
Isasama pa ba natin dito ang mga kasinungalingan tungkol kay Santa Claus, ang tatlong hari, ang mga pamahiin ni Lolo at Lola, ang pagiging “disente” (daw) ni Rizal, nakakabungang-araw ang pagkain ng sobra ng mangga at ang tungkol sa mga alamat ng pinya at Olongapo? Huwag na. Ayoko nang dagdagan ang mga kasinungalingan dito.
Lumalaki ang bata sa kasinungalingan. At sa kaniyang pagtanda, pag-aasawa at pagkakaroon ng sariling mga anak, uulitin niyang muli ang istoryang ito ng mga kasinungalingan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment